-- Advertisements --

Pinabulaan ng Department of Justice na kanilang isusunod na ipapadeport pabalik ng bansa ang dating presidential spokesperson na si Atty. Harry Roque. 

Kasunod ito ng matagumpay na pagkakahuli kay dating Congressman Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. nitong nakaraang linggo lamang. 

Ayon mismo ito sa tagapagsalita ng Department of Justice at kasalukuyang Justice Assistant Secretary na si Mico Clavano nang siya’y matanong ng Bombo Radyo Philippines hinggil rito.

Kung saan kanyang binigyang linaw na walang pagkakasunod-sunod o mga nakalinyang indibidwal na kakaharap sa deportation kasunod ng mga pangyayari. 

Aniya’y lahat naman ng may mga kinakaharap na kasong kriminal na nasa labas ng bansa ay kanilang hinahabol ng sabay sabay nang walang inuuna sa mga puganteng ipinahahanap ng mga korte sa Pilipinas. 

Kaya’t paliwanag pa ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano na ang kagawaran ay mariing naniniwala na dapat lamang nitong habulin ang lahat ng mga may kaso na pilit tinatakasan o iniiwasan ang mga ito mula sa bansa.

Dahil dito ay maisa pang ulit na nilinaw ng naturang tagapagsalita ng Department of Justice na hindi paisa-isa ang kanilang paghuli sa mga pugante lalo pa’t nataon na naipabalik na sa bansa ang dating kongresista na Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. 

Kaya’t hiling niya umano na mahuli na ng sabay-sabay ang mga ‘fugitives’ na umalis at lumabas ng Pilipinas para takasan ang mga dapat kaharapin na kaso sa bansa. 

Maalala na nito lamang nakaraan ay napa-deport na sa bansa ang dating kongresista na si Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. mula Timor-Leste na ngayo’y hawak at nasa kustodiya na ng pamahalaan. 

Habang ang dating presidential spokesperson naman ni Former President Rodrigo Roa Duterte na si Atty. Harry Roque ay kasalukuyan pa ring wala sa loob ng Pilipinas. 

Sa kasalukuyan kasi ay nasa bansang The Hague Netherlands pa rin ito para sa kanyang aplikasyon ng asylum dahil sa umano’y political persecution na nararanasan raw sa Pilipinas. 

Ngunit gayunpaman ay wala pa ring hatol o resolusyon ang gobyerno ng The Hague Netherlands kung aprubado ang inapply nitong asylum sa naturang bansa.