-- Advertisements --

Itinuturing na malaking tagumpay ng gobyerno ng Pilipinas ang pagkaka-aresto ng mga awtoridad sa high-profile na puganteng Japanese national na pinaniniwalaang lider ng notorious transnational crime syndicate na nago-operate sa Asya.

Naaresto ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) ang Japanese national na si Ryuji Yoshioka, 54 anyos, noong Miyerkules, Hunyo 4 sa Angeles City, Pampanga sa pakikipag-tulungan sa Philippine Navy at Armed Forces of the Philippines sa Northern Luzon.

Ikinasa ang operasyon sa bisa ng summary deportation order na inisyu noong 2023 pa laban sa suspek.

Si Yoshioka ay napaulat na lider ng JP Dragon syndicate na isang criminal organization na nakabase sa Japan at umano’y responsable sa pagpaplano ng malawakang theft at telecom fraud schemes na may mga operational bases sa Southeast Asia.

Sangkot din ang grupo sa maraming iligal na aktibidad na nakapambiktima ng hindi mabilang na mga indibidwal at nakapagkamal ng milyun-milyong halaga ng pera.

Ayon sa mga awtoridad ang presensiya ng puganteng Japanese sa bansa ay isang seryosong banta sa kaligtasan ng publiko at sa pambansang seguridad.

Base sa record ng BI, dumating ang Japanese national sa bansa noong 2022 at hindi na umalis mula noon.

Sa ngayon, tinurn-over na ang puganteng Japanese sa warden facility ng BI kung saan siya made-detine hanggang ipa-deport.