Umusad na ang pagdinig ng Senado ukol sa paglaganap ng talamak na prostitusyon sa bansa na may kaugnayan sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros, kinuwestiyon ng mambabatas si Bureau of Immigration Port Operations Division head Grifton Medina ukol sa umano’y “pastillas operations.”
Sa naturang pagdinig ipinakita ni Hontiveros ang isang video na hiwalay na pinoproseso ng immigration officials sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pagpasok ng mga Chinese nationals.
Sa naturang video ipinapakita pa na ini-escort ng immigration officials ang pagpapasok sa mga Tsino na tila VIP ang dating kapalit ng pera na nasa rolyo ng papel na parang “pastillas.”
Ipinakita rin ng mambabatas ang screen shots mula sa isang viber group, kung saan nakasulat ang mga pangalan at larawan ng mga Chinese na bibigyan ng VIP treatment kasama na ang kanilang flight details.
Inamin naman ni Medina na namumukhaan niya ang lalaking ipinakita sa video subalit itinanggi nitong may alam siya sa “pastillas operations”
Iginiit naman ni Hontiveros na kung walang alam ang immigration sa naturang operasyon bakit aniya pinapakain sila lagi ng Chinese companies.
Dagdag pa ni Hontiveros na kitang may paglabag sa anti-human trafficking act ang tauhan ng BI na nakita sa video at mga kasabwat nito.
Magugunita na iprenisenta ni Hontiveros nitong nakaraang linggo ang isang Taiwanese national na biktima ng human trafficking ng POGO na na-rescue sa lungsod ng Makati.










