-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselado na ang dalawang pasaporte ng puganteng dating mambabatas na si Elizaldy Co.

Kabilang dito ang regular at diplomatic passport ng dating kongresista.

Sa isang pahayag, sinabi ng ahensiya na ang estado ng mga pasaporte ni Co ay agad naiulat sa International Criminal Police Organization (Interpol) matapos itong kanselahin noong Disyembre ng nakalipas na taon.

Kayat posible umanong “expired” na pasaporte ang ginamit ni Co para makatawid sa Czech Republic.

Pagdating aniya sa ibang regular passport na nagpaso noong Setyembre 2022, na posibleng ginamit ni Co sa kaniyang pagpunta sa pagtawid patungo sa Germany mula sa Czech Republic, hindi na kailangang kanselahin pa dahil expired na ito at hindi na magagamit pa para sa international travel.

Nauna na ngang napaulat na kasalukuyang nasa France si Co para humingi ng political asylum, matapos isailalim sa kustodiya ng Czech Republic dahil umano sa immigration violation.

May kaugnayan ang ginagawang paghahanap sa dating mambabatas, dahil sa umano’y pagkakadawit niya sa maanomaliyang flood control projects ng pamahalaan.