Naglabas ng matinding pahayag si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte, kung saan iginiit niyang may mga alegasyon ng pananakot sa ilang mambabatas kaugnay ng boto sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Duterte, may mga staff umano na tumatawag sa mga chief of staff ng congressmen na bumoto pabor sa impeachment, at nagbabantang tatanggalin ang pondo ng kanilang mga distrito sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).
Binigyang-diin niya na kung totoo ito, maaapektuhan ang mga proyekto tulad ng patubig, paaralan, kalsada, tulay, at social services na para sa mga mamamayan, lalo na sa mga mahihirap na lugar.
Giit pa ng kongresista, hindi dapat ginagamit ang national budget bilang “panakot” o instrumento ng pamumulitika, at tinawag itong anyo ng “political coercion” o pamimilit.
Nanawagan din siya na hayaan ang ebidensya ang magsalita sa impeachment case at hindi umano dapat sinasabayan ng pressure o pagbabanta ang proseso.
Sa huli, iginiit ni Duterte na mananatili silang matatag at hindi magpapadala sa anumang pressure, at nanawagan sa publiko na bantayan ang usapin dahil ang pondo umano ng taumbayan ay hindi dapat nagiging “bargaining chip” sa pulitika. (Report by Bombo Jai)











