-- Advertisements --
QUEZON 4

NAGA CITY – Umabot na sa halos 600 na mga violators ang naitala ng mga otoridad sa lalawigan ng Quezon mula ng ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ).

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na sa 600 na bilang, 332 dito ang naaresto dahil sa Resistance and Disobedience to a Person in Authority, 177 naman ang nahuli sa ilalim ng RA11332 Sec. 9 o “Non-Cooperation of the Person or Entities Identified as having the Notifiable Disease or Affected by the Health Event of Public Concern.”

Habang 45 katao naman ang naaretso sa illegal gambling, walo para sa direct assault, siyam sa alarms and scandals, walo sa grave threats, pito sa price act, apat sa attempted at frustrated murder/homicide, lima sa unjust vexation and oral defamation, habang lima naman sa iba pang mga insidente.

Ang naturang mga naarestong mga indibidwal ang naitala mula Marso 17 hanggang Abril 16, 2020 kasabay ng mas pinahigpit na Enhanced Community Quarantine sa Luzon dahil sa Coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang press statement na ipinalabas ni Police Col. Audie Madrideo, Provincial Director ng QPPO, sinabi nitong magkakaroon sila ng increased and intensified police apprehensions province-wide laban sa gambling activities gaya ng tupada, card games, majong at iba pang illegal activities.

Magkakaroon din ng strict provisions para sa pagaresto sa mga umiinom sa public, pagala sa gitna ng curfew hours, unauthorized persons na lumabas sa mga bahay at mga sasakyang walang permisong bumiyahe.

Ang naturang hakbang ang bahagi ng patuloy na paghihigpit ng mga otoridad bilang bahagi ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte para maiwasan ang paglobo pa ng mga kaso ng COVID-19.

Nabatid na una nang nagdeklara si Gov. Danilo Suarez ng lockdown sa buong lalawigan matapos maitala ang mabilis na paglobo ng mga naapektuhan ng naturang sakit.