Pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte si DPWH Sec. Mark Villar dahil sa revamp na ipinatupad nito sa mga tauhan ng kagawaran bilang bahagi ng anti-corruption drive ng pamahalaan.
Sa kanyang talumpati sa inauguration ng Metro Manila Skyway Stage 3 sa Quezon City, binati ni Duterte si Villar dahil sa pagtugon nito sa kanyang direktiba.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Villar na sasailalim ang DPWH sa reorganization ngayong buwan.
Sinabi rin nito na 14 na district engineers na ang sinibak sa kanilang puwesto.
Disyembre ng nakaraang taon nang inatasan ni Duterte magkusa nang umalis sa kanilang puwesto ang mga district engineers ng DPWH na sangkot sa katiwalian ayon sa Presidential Anti-Corruption Commission.
Hiniling din ni Duterte kay Villar na bigyan siya ng listahan ng lahat ng mga district engineers sa bansa matapos sabihin na ilan sa mga ito ay nakikipagsabwatan sa katiwalian ng mga kongresista.