Hinimok ni Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte ang kanyang mga kasamahan sa Kamara na tutukan muna ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon sa halip na ang issue sa term sharing agreement sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Sa isang panayam, sinabi ni Villafuerte na atupagin muna ang pagpasa sa P4.5-trillion national budget upang sa gayon ay hindi naman aniya maapektuhan ang ekonomiya ng bansa, na sa nakalipas na mga buwan ay lubhang apektado ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ni Villafuerte ang naturang pahayag kasunod nang kumpirmasyon ni Deputy Speaker Paolo Duterte na siya ay nagpadala ng mensahe para hilingin sa Mindanao bloc solons na pabakantehin ang posisyon ng speaker at mga deputy speakers kasunod nang girian sa infrastructure funds sa ilalim ng 2021 budget.
Ayon kay Villafuerte, sakali mang matuloy ang coup d’etat na ito, tiyak na mauulit lamang angn nangyari noong 2018 sa ilalim ng liderati ni dating Speaker Gloria Macapagal Arroyo kung saan bigo ang Kamara na aprubahan on time ang 2019 national budget, na nagresulta sa reenacted budget para sa unang bahagi ng taon.
Nakapag-usap na aniya sina Cayetano at Duterte, at naayos na rin ang mga concerns ng ilang mga kongresista na ipinarating sa kanya patungkol sa nilalaman ng panukalang pambansang pondo.