ROXAS CITY – Usap-usapan ngayon ang kumakalat na video ng dalawang lalaki na nagpapalitan ng sipa at suntok sa isang bakanteng lote sa Roxas City na pinanonood at pinagpupustahan pa umano ng mga tao sa kabila ng ipinatutupad na community quarantine.

Sa ipinadalang video sa Bombo Radyo Roxas, makikita ang sparring ng dalawang lalaking walang pang-itaas na suot na napapalibutan ng nagsisigawang mga manonood.

Kuha umano ang naturang video sa isang bakanteng lote sa Sitio Nasagud, Barangay Bolo, nitong lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo, napag-alamang pinagpupustahan pa umano ang ‘sparring’ ng dalawang indibidwal.

Matapos ibinahagi ng Bombo Radyo ang naturang video sa Facebook page ay nananawagan ang ilang indibidwal sa lokal na gobyerno ng lungsod na kaagad itong aksiyunan.