-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Kasalukuyang naka-confine sa ospital si Nueva Vizcaya Vice Governor Jose “Tam-an” Tomas Sr.

Ito’y kasunod ng kanyang anunsyo na positibo siya sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa pamamagitan ng kanyang Facebook page, natanggap niya ang resulta ng kanyang swab test kahapon, April 1, na nagsasabing siya ay COVID positive.

Nueva Viz vide gov COVID positive

Sa ngayon ay isinalalim na rin sa RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) test ang kanyang mga kamag-anak at kawani na kanyang nakasalamuha sa mga nagdaang araw.

Nagpapasalamat siya na naka-lockdown na ang Sangguniang Panlalawigan halos dalawang linggo na ang nakalipas at lahat ay naka-work from home.

Ayon kay Vice Governor Tomas, nakaramdam na siya ng trangkaso kaya sumailalim sa antigen test ng dalawang beses mula noong March 21, 2021 at negatibo naman sa deadly virus.

Gayunman ay sumailalim pa rin siya sa strict quarantine ngunit kahapon ay nagpa-admit na siya sa ospital dahil naranasan niya ang hirap sa paghinga.

Bilang protocol ay agad siyang isinailalim sa rapid test at nagpositibo sa COVID-19.

Humiling ng dasal ang bise gobernador ng lalawigan para sa kanyang paggaling at lahat ng mga tinamaan ng COVID-19 kasabay ng paalala sa lahat na huwag balewalain ang health protocol saan man magpunta.