-- Advertisements --

Hindi na palalampasin ni Akbayan Partylist Representative Perci Cendana ang mga personal na atake sa kanya sa social media, lalo na ang mga komentong ginagamit ang kanyang kapansanan para siya ay pahiyain at kutyain.

Ayon kay Cendana, normal lamang ang batikos at pagpuna sa trabaho ng isang government official, ngunit may hangganan ang kritisismo kapag nauuwi na ito sa personal na pag-atake, harassment at diskriminasyon.

Sinabi ng mambabatas na nakatanggap siya kamakailan ng mga batikos online na nakatuon sa kanyang pisikal na anyo at medical condition.

Aniya, hindi niya itinuturing na problema ang lehitimong puna sa kanyang trabaho bilang public official, ngunit hindi niya hahayaan ang paggamit sa kanyang kapansanan upang siya ay gawing katatawanan.

Ipinaalala ni Cendana na ang kanyang kapansanan ay resulta ng stroke na kanyang naranasan.

Binigyang-diin din ng mambabatas na hindi dapat gawing biro o gamitin bilang sandata ang kapansanan upang tanggalan ng dignidad ang isang tao.

Sinabi ng kongresista na nakikipag-ugnayan na siya sa kanyang mga abogado para pag-aralan ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga responsable sa naturang mga post.

Gayunpaman, nilinaw ni Cendana na patuloy niyang tatanggapin ang lehitimong kritisismo at public scrutiny sa kanyang trabaho.

Pero iginiit niya na ang mga pag-atakeng nauuwi sa harassment, panghihiya at diskriminasyon ay dapat nang harapin sa ilalim ng batas.