CAGAYAN DE ORO CITY – Pinasisimulan na ni Defense Secretarty Delfin Lorenzana ang pag-aaral at paghahanap ng posibleng kapalit na mga bansa na makakasama ng Pilipinas sa military capability trainings upang labanan ang insurhensiya at terorismo sa bansa.
Ito ay kasunod nang tuluyang pagpapadala ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr., ng termination notice sa United States Embassy na nakabase sa bansa bilang hudyat ng opisyal na pagputol ng ugnayang Amerika at Pilipinas sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lorenzana na dahil sa kawalan ng military trainings kasama ang US troops ay mapipilitan ang Pilipinas na maghanap ng karatig bansa na interesado na makipagtulungan para sa security at defense enhancement.
Inihayag ng kalihim na maging ang pagkakaroon ng modernong kagamitan na pantapat laban sa kilusang terorismo partikular sa Mindanao ay kabilang sa inaaral para hindi maputol ang pagtugis sa mga terorista.
Una nang naging kumbinsido si Lorenzana na wala nang silbi ang VFA kaya suportado nito ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.