Kasunod nang pagsasapinal sa termination ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa Estados Unidos, panahon na paghandaan ng pamahalaan ang security gap na epekto nang kanselasyon sa naturang kasunduan.
Ayon kay House Committee on National Defense senior vice chairman Ruffy Biazon kailangan na mag-convene ang Legislative Oversight Committee on Visiting Forces Agreement at Committee on National Defense and Security para talakayin ang hakbang na gagawin ng gobyerno.
Baka kailangan na kasi aniya sa ngayon na baguhin ang defense at security strategies ng gobyerno.
Ayon kay Biazon, dapat planuhin na ang mga adjustments na gagawin pagdating sa deployment ng military assets, appropriation ng mga resources, at pakikitungo sa mga foreign counterparts at mga kaalyadong bansa.
Bukod dito, mahalaga din aniya magkaroon ng pagbabago sa foreign relations strategy para makapag-adapt ang Pilipinas sa after-effects nang kanselasyon ng VFA.
Iginiit ni Biazon na ang panibagong development na ito ay dapat ikonsidera rin ng pamahalaan sa pagbalangkas ng 2021 proposed national budget, na nakatakdang isumite sa Kongreso sa mga susunod na buwan.
Dapat makapaloob aniya sa panukalang pambansang pondo ang alokasyon para sa mitigation measures na kailangan ipatupad para sa security gap na resulta ng kanselasyon ng VFA.
“The 180 day period prior to the effectivity of the termination should likewise be used for a national security review by the Legislative Branch to determine the measures needed to fill the gap,” ani Biazon.