Nakakuha ng “very good” satisfaction ratings ang dalawang kapulungan ng Kongreso, gayundin ang Korte Suprema at ang Gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa resulta ng survey na inilabas ngayong araw ng Huwebes, nakakuha ang Senado ng pinakamataas na net satisfaction rating na may 68%, sinundan ng House of Representatives na may 56%, Supreme Court na may 53% at ang buong Gabinete na may +50.
Sinabi ng Social Weather Stations na ang net satisfaction rating ng Senado ay naka-angkla sa 81% net satisfaction score sa Mindanao, sinundan ng 68% sa Balance Luzon, 63% sa Metro Manila at 59% sa Visayas.
Isinagawa ang survey mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022 gamit ang mga face-to-face interview sa 1,200 katao na may edad 18 taong gulang pataas.
Sinabi ng Social Weather Stations na mayroong 300 respondents bawat isa mula sa Metro Manila, Luzon, Visayas, at Mindanao.