-- Advertisements --

Naniniwala si Health Usec. Maria Rosario Vergeire na sasang-ayon si Sec. Francisco Duque sa mga panawagang mag-leave muna ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na dawit sa issue ng umano’y korupsyon.

“Of course, the Secretary of Health, being the Chairman of PhilHealth…kung may na-identify man na gaps saka mga ganitong issues, he would always support this call para ma-imbestigahan,” ani Vergeire sa isang media forum.

“Para na rin transparent and clear to everybody,” dagdag ng Health spokesperson.

Kung maaalala, inakusahan ng nag-resign na si dating PhilHealth anti-fraud officer Atty. Keith Montes ang kanilang presidente na si retired B/Gen. Ricardo Morales na sangkot sa pagbulsa ng P15-bilyong pondo ng ahensya.

Galing daw sa Interim Reimbursement Mechanism ng mga ospital para sa COVID-19, at overpriced na mga proyekto sa information technology department ang ninakaw ni Morales at ila pang mga opisyal.

Kasalukuyang lumalakad ang imbestigasyon ng Senado at Kamara sa issue. Nauna na ring itinanggi ni Morales ang mga akukasyon.

Nitong araw nang sabihin ng PhilHealth president na magme-medical leave muna sya sa susunod na linggo dahil sa payo ng kanyang doktor. Kasalukuyan daw kasi siyang sumasailalim sa chemotherapy para sa sakit na lymphoma.