ROME – Bubuksan na muli sa publiko ang ilang kilalang atraksyon sa Vatican City, sa kabila ng banta pa rin ng coronavirus pandemic.
Inanunsyo ng The Vatican Museum ang muling pagbubukas nila matapos ang 88-araw na pagsasara dahil sa COVID-19. Maging ang Sistine Chapel ay bubuksan na rin daw publiko.
Batay sa ulat, mula Lunes hanggang Sabado bukas ang mga sikat na landmark ng Vatican City.
Kailangan lang daw magpa-book ng ticket ng mga interesadong bumisita dahil limitadong slots lang ang bubuksan.
“The Pope’s Museums await you with pleasure!,” batay sa statement ng Vatican.
Ayon sa mga curator ng museo, ginamit nila ang pansamantalang pagsasara ng The Vatican Museum para maisaayos ang ilang bahagi ng gusali at maintenance.
Kabilang na raw dito ang 15th-century frescoes ng Sistine Chapel.
Bukod sa mga atraksyon sa siyudad, nakatakda na rin daw buksan sa Lunes ang tanyag na Colosseum sa Rome at the Forum.
Nagpapatupad pa rin ng lockdown na alas-6:00 ng gabi ang buong bansa ng Italy, na may higit 88,000 nang death cases sa COVID-19. (report from Agence France-Presse)