-- Advertisements --

Pinahintulutan na ng Vatican ang pagsasagawa ng diocesan inquiry para maging Santo ang Pinay teeager na si Nina Ruiz-Abad na pumanaw sa murang edad na 13 noong 1993.

Kaugnay nito, nakatakdang simulan na ng Diocese of Laoag sa Ilocos Norte ang isang local inquiry sa reputasyon at kabanalan ni Abad.

Papangunahan ni Laoag Bishop Renato Mayugba ang naturang inquiry.

Matatandaang si Bishop Mayugba din ang nagsumite ng detalyadong talambuhay ni Ruiz-Abad sa Vatican dicastery at nagpetisyon para payagan ang pagsisimula ng inquiry matapos na suportahn ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa plenary assembly noong Hulyo 2023.

Ayon kay Bishop Mayugba, opisyal na sisimulan ang beatification at canonization cause ni Abad sa Abril 7 o kasabay ng Divine Mercy Sunday na magiging bukas sa publiko para ito ay kanilang masaksihan na gaganapin sa St. William’s Cathedral Church sa Laoag.

Una rito, base sa mga impormasyon higgil kay Abad, inilarawan ito na may matatag na debosyon sa eukaristiya at inialay ang kaniyang buhay sa pamamahagi ng mga rosaryo, bibliya, prayer books, banal na mga imahe at iba pang relihiyosong bagay.

Pumanaw ito noong Agosto 16, 1993 dahil sa cardiac arrest.