Nagpahayag ng pagkabahala si Senior deputy minority leader at Northern Samar 1st District Representative Paul Daza, patungkol sa iminungkahing batas hinggil sa pagpataw ng VAT sa mga digital transactions.
Sinabi ni Daza ang mga buwis sa pagkonsumo tulad ng VAT ay sa huli ipinapasa sa mga mamimili, na siyang nagpapabigat lalo at sa panahon ngayon na walang katiyakan kung kailan matatapos ang pandemya.
Kaya hirit ng mambabatas na kailangan pa ng masusing pag-aaral ukol dito sa isinagawang plenary deliberations hinggil sa panukalang batas ang House Bill 4122 “An Act Imposing Value Added Tax (VAT) on Digital Transactions in the Philippines.
“VAT, a consumption-based tax, is not always good for the economy. The intention is certainly good as we indeed need to impose VAT on big companies such as non-resident digital service providers (DSP), but we need to be protect SMEs and other small players,” pahayag ni Daza.
Ayon sa isa sa mga may-akda ng panukalang batas na si Nueva Ecija 3rd District Rep. Rosanna Vergara, naglalayon ito na mangolekta ng VAT mula sa mga non-resident digital service providers (DSP) at lokal na digital service provider, na kinabibilangan ng mga content creator na kumikita ng higit sa P3 milyon taun-taon.
Batay sa projection, ang nasabing panukala ay maaaring makapag-ambag ng hanggang P12 bilyon sa karagdagang kita ng gobyerno bawat taon.
Paliwanag pa ni Vergara ang direktang pagbubuwis sa mga dayuhang kumpanya ay posibleng mag resulta ng retaliatory measures kung saan ang mga bansang pinagmulan ng mga hindi residenteng DSP ay maaaring magpataw ng mga buwis sa gagawing pag-export ng bansa.
Iminungkahi ni Daza na sa halip na hilingin sa mga dayuhang DSP ayusin ang pagparehistro at manirahan sa bansa bago sila makapag-operate, sa ganitong paaran maaari silang direktang mabuwisan ng mga batas sa buwis batay sa kita ng kumpanya.
Binigyang-diin pa ng kongresista na dapat gawin ang lahat ng pagsisikap upang maiwasan ang “hindi kinakailangang pabigat sa maliliit na mga negosyante.
“When I was in the private sector, I supported online startups so I’m familiar with their challenges. This might have a chilling effect; imposing more taxes on the local players just because we wanted to address the non-payment of taxes of outside players may do more harm than good,” dagdag pa ni Rep. Daza.
Dahil dito, umapela si Daza sa kapwa niya mambabatas na seryosong i-reconsider ang panukalang batas o gawan ng mga rekomendasyon gaya ng itaas ang annual income threshold sa P5 million imbes na nasa P3 million.