Inihayag ni Department of Finance Secretary Benjamin Diokno na muling pag-aaralan ngayon ng pamahalaan ang value added tax exemptions na umiiral sa bansa.
Ito ay bahagi ng hakbang ng gobyerno sa pagtugon ang mga inefficiencies at revenue leakages sa tax system sa Pilipinas.
Sa ngayon kasi ay mayroong 29 na transactions na exempted sa VAT batay sa Tax Code na layuning mapagaan ang pasanin ng mga mamimili at maliliit na negosyo.
Karamihan sa mga ito ay kinabibilangan ng unprocessed agricultural and fisheries products, maging ang educational, health, at financial services.
Ngunit nilinaw ni Sec. Diokno na hindi lahat ng transactions na ito ay tatanggalin sa listahan ng mga VAT exemptions dahil ilan aniya sa mga ito ay karapatdapat naman tulad na lamang ng mga educational institutions, mga pagamutan, at iba pa.
Samantala, kaugnay nito ay sinabi naman ng kalihim na target na ilabas ng pamahalaan ang listahan ng mga transactions na inalis sa VAT exemption ay bago matapos ang taong 2023.