Todo paliwanag ang Office of Civil Defense (OCD) matapos kwestyunin ng Commission on Audit (COA) ang paralisadong release ng pondo para sa mga biktima at survivors ng bagyong Yolanda.

Ayon kay OCD administrator Ricardo Jalad, malaki ang kalbaryo na hinaharap ng kanilang tanggapan sa pag-validate ng mga kwalipikadong benepisaryo.

Hindi raw kasi basta-basta makapagre-release ng financial assistance ang tanggapan hangga’t walang dokumento gaya ng medical at death certificates na maipe-presenta ang mga survivors.

Kabilang sa sakop ng natitirang P40-million na Yolanda fund ang gastos para sa mga namatayan at lubhang nasugatan ng kalamidad.

Batay sa report ng COA noong 2017, lumabas na may natira pang higit P40-million na pondo mula sa kabuuang P135-million na natanggap ng NDRRMC mula sa mga donasyon.

Nabatid kasi ng state auditors na walang binigay na pondo ang mga ahensya ng pamahalaan noon sa OCD para tulungan ang mga biktima ng tinaguriang pinakamalakas na bagyong tumama sa kasaysayan.