MANILA – Nagsimula nang mag-recruit ng participants ang Valenzuela City para sa isasagawa ring clinical trial ng lungsod sa virgin coconut oil (VCO) bilang dietary supplement ng COVID-19 patients.

Ito ang kinumpirma ni Department of Science and Technology Sec. Fortunato dela Pena sa isang mensahe sa Bombo Radyo.

“(They’re in) recruitment phase,” ani dela Pena

Ayon sa kalihim, target nilang makapag-enroll ng 120 participants na mga asymptomatic at symptomatic patients sa pag-aaral.

Naglaan ang kagawaran at iba pang involved agencies ng P2.12-million na pondo para sa VCO study ng nasabing lungsod.

-- Advertisement --

Naglaan din daw ng hiwalay na alokasyon ang local government unit para makatulong sa gagawing pag-aaral.

Nitong araw nang sabihin ni Science Usec. Rowena Guevara na nag-umpisa na ang proseso ng VCO clinical trial sa lungsod.

“Nag-uumpisa na yung VCO study natin dito sa Valenzuela. Nakakatuwa kasi kayo mismo ang nag-volunteer na gawin dito yung study,” ayon sa opisyal.

Nagpapatuloy ngayon ang VCO clinical trial sa Philippine General Hospital sa mga COVID-19 patients na severe at moderate cases; at sa mga may comorbidities o iba pang sakit.

Noong Disyembre nang matapos ang unang bahagi ng pag-aaral na ginawa sa suspect at probable cases sa Sta. Rosa Community Hospital sa Laguna.

Ngayong buwan inaasahan din na maglalabas ang DOST ng resulta sa pinag-aaralang bisa ng medicinal plants na lagundi at tawa-tawa laban sa COVID-19.