Tiniyak ni Vaccine czar Carlito Galvez na agad nilang idideploy ang mga covid-19 vaccines sa mga probinsiya at local government units na nauubusan na ng vaccine supplies dahil sa pagtaas ng kaso ng Covid-19.
Siniguro ng opisyal na committed ang gobyerno na bibigyan ang mga LGUs ng mga bakuna para makamit ang population protection sa bawat rehiyon.
Ang pahayag ni Galvez ay bunsod sa natatanggap nilang reklamo sa labas ng NCR Plus 8 (Metro Manila, Cebu, Metro Davao, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Pampanga, at Rizal) na limitado ang bilang ng mga natatanggap nilang vaccine doses sa kanilang mga siyudad at probinsiya.
Paliwanag ni Galvez na ang National Vaccination Operation Center ay mayruong dashboard para imonitor ang mga vaccine deployment sa mga LGUs sa buong bansa.
Aniya, araw-araw minomonitor nila ang supplies ng mga vaccine lalo na duon sa mga naubusan na ay sila ang prayoridad na mabigyan sa susunod na batch.
Nasa tatlong milyon vaccine doses ang nakatakdang dumating sa bansa ngayong buwan ng Hunyo, kung saan 1.5 million doses mula sa Sinovac; 250,000 doses mula sa Moderna at mahigit dalawang milyon na doses mula sa Astrazeneca na manggagaling sa Covax facility.
Sinabi ni Galvez na as of June 17 nasa 11,677,550 doses out of the 14,205,870 doses na nasa supply inventory ng pamahalaan ang nadeploy na nationwide.
Samantala, pinuri naman ni Galvez ang isinagawang multi-sectoral effort sa Quezon City na pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte kasama ang iba pang mga stakeholders na naglalayon na mahikayat ang mga kababayan natin na magpa turok ng bakuna kontra Covid-19.