Ikinatuwa ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nangangailangang humingi muna ng permiso bago pumasok sa territorial waters ng Pilipinas.
Sa panayam kay Lorenzana, kaniyang sinabi na isang “very good development” ang nasabing kautusan dahil may kapangyarihan na ang militar para ipatupad ang batas sa loob ng territorial waters ng bansa.
Una rito, binasa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang pahayag ni Duterte kung saan nakasaad na simula kahapon ay inaabisuhan nila ang lahat ng foreign vessels na magpasabi at kumuha ng clearance sa kaukulang government authority bago ang planong pagdaan sa territorial waters ng Pilipinas.
Ito’y kasunod ng mga serye ng pagdaan ng Chinese warships sa Sibutu Strait na walang paalam at nagpapatay pa ng automatic identification system.
Inaasahan aniya ng pangulo na makakuha ng “friendly compliance” dahil kung hindi, ay ipatutupad ito sa “unfriendly manner” o pagtataboy sa sangkot na foreign vessel.
Ayon sa Defense chief, kanilang pag-aaralan kung paano nila ipatupad ang sinasabing “unfriendly manner” o ang pag-escort.
Una nang umalma ang kalihim sa mga hindi otorisadong paglayag ng mga Chinese warship sa teritoryo ng bansa partikular sa southern part ng Pilipinas, bagay na nakakairita na.
Dahil dito, muling nagsampa ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China.