-- Advertisements --

Aabot na sa P500 million ang utang ng PhilHealth sa Philippine Red Cross para sa COVID-19 tests na isinagawa nito.

Ayon sa chairman ng Philippine Red Cross na si Sen. Richard Gordon, pumapalo na sa 557,622 Pilipino ang na-test nila hanggang noong Biyernes.

Mas marami aniya ito kung ikukumpara sa nagawang tests ng Research Institute for Tropical Medicine ng pamahalaan.

Sinabi ni Gordon na nasa P370 million ang huling ibinayad ng PhilHealth sa Philippine Red Cross.

Ang huling billin aniya nila rito noong Huwebes ay pumapalo na sa P19.3 million.

Aminado ang senador na nangangapa rin sila dahil kung hindi magbabayad ng mabilis ang PhilHealth ay mapipilitan siyang ihinto ang pagsasagawa ng COVID-19 swab tests kahit labag man ito sa kanyang kalooban.

Nauna nang sinabi ni Gordon na hindi prayoridad ng PhilHealth ang pagbayad ng utang sa Philippine Red Cross dahil walang “kickbacks” na makukuha rito.