-- Advertisements --

Lalo pang lumobo ang pagkakautang ng bansa sa P11.92 trillion.

Ito na ang pinakamalaking pagkakautang sa kasaysayan ng ating bansa, kung saan umakyat ito ng 27.2 percent kumpara sa data noong nakaraang taon.

Lumalabas sa record ng National Treasury, nagkaroon ang bansa ng dagdag na P2.55 trillion loans sa loob lamang ng 12 buwan.

Sa loob lamang ng taong ito, ang gobyerno ay nadagdagan ng P1.69 trillion na domestic obligations at P428.98 billion naman ang foreign debt.

Pero sa kabuuan, ang domestic debt natin ay umaabot sa P8.39 trillion, samantalang ang foreign debt ay nasa P3.53 trillion.

Sa loob ng limang taon at tatlong buwan na panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, mahigit doble ng dating utang ang naging paglobo.

Pero ayon sa economic managers, kaya naman lumaki ang utang ng bansa dahil sa kinakaharap na COVID-19 pandemic, na hindi pa nangyari sa ilalim ng mga nagdaang pangulo.

Sa pagtaya ni Finance Sec. Carlos Dominguez III, inaasahan pa nilang magkakaroon pa ng dagdag na utang ang Pilipinas na P3 trillion bago matapos ang taon at P2.25 trillion naman sa 2022.

Kabilang sa pinaglaanan ng malaking pondo ang pambili ng mga bakuna, pambayad sa mga pasilidad at pasahod sa dagdag na mga health workers, contract tracers, tulong sa mga manggagawa at subsidiya sa mahihirap.