Nagbabala ang mga awtoridad sa matinding polusyon sa hangin matapos kumalat ang usok mula sa mga sunog sa kagubatan ng Canada papuntang Upper Midwest ng Estados Unidos, partikular sa Minnesota, Wisconsin, at mga karatig na estado.
Umabot sa “hazardous” level ang air quality index sa Ely, Minnesota, habang nasa “unhealthy” levels ang Duluth at Flin Flon, Manitoba. Inaasahang maaapektuhan rin ang East Coast sa mga susunod na araw, kabilang ang New York, Philadelphia, at Boston.
Mahigit 200 wildfires ang aktibo sa Canada, 106 sa mga ito ay wala pa ring kontrol. Aabot na sa 1.9 milyong ektarya ang nasusunog, karamihan sa Alberta, Saskatchewan, at Manitoba.
Nagbigay ng babala ang mga health authorities sa mga may hika, bata, senior citizens, at buntis na umiwas sa outdoor activities. Pinapayuhan din ang lahat na magsuot ng mask kung kinakailangang lumabas. (report by Bombo Jai)