Nanawagan si United States, Vice President Kamala Harris na madaliin na ang pakikipag-usap para sa hostage deal at ceasefire, kasunod ito nang isinagawang strike ng Israel na ikinasawi ng 70 katao sa Gaza noong sabado.
Kinondena ni Harris ang naturang pag-atake na nagresulta sa pagkamatay ng mga sibilyan sa isang paaralan sa Gaza na aniya’y ‘far too many.’
Dagdag pa ni Harris sa kanyang rally sa Phoenix, Arizona binanggit nito na bagamat may karapatan umano ang Israel na ipagtanggol ang kanilang teritoryo dapat aniya na alam rin daw ng Israel ang kahalagahan at responsibilidad nitong iwasang madamay ang mga sibilyan.
Sa pahayag ng tagapagsalita ng Israeli military, ang al-Taba’een school na kanilang binomba ay pugad umano ng Hamas at Islamic Jihad military, na mariing pinabulaanan naman ng Hamas.
Pinaratangan naman ng Israel Defense Forces (IDF) spokesperson Rear Adm Daniel Hagari ang Hamas na ang mga bilang ng mga nasawi na inilabas umano nito ay hindi tumutugma sa impormasyong hawak ng IDF gayundin sa impormasyon hinggil sa pampasabog na ginamit sa pagsalakay ng Israel.
Hindi rin daw bababa sa 19 na terorista mula sa Hamas at Islamic Jihad ang nasawi sa pag atake.
Ayon pa sa Israel, ginagamit ng Hamas ang civilian infrastructure upang magplano at magsagawa ng mga pag-atake, kaya’t tinatarget nila ang mga ospital at paaralan at iba pang mga lugar na protektado sa ilalim international law.
Mariin naman itong itinatanggi ng Hamas.