-- Advertisements --
image 302

Nakipagtulungan ang gobyerno ng Estados Unidos sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) para maglunsad ng first-of-its-kind e-commerce platform na tutulong sa mga farmer-trader na nakabase sa Luzon na palawakin ang kanilang naaabot na customers

Ayon sa US Embassy, ang hakbang ay magpapalakas din sa agricultural supply chain ng bansa.

Sinabi ng embahada na tumulong ang US Agency for International Development (USAID) sa pagsisimula ng NVAT Fresh Online Platform na direktang pamamahalaan ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal na isang agricultural hub na nakabase sa Luzon.

Ang platform ay isang business-to-business (B2B) online platform kung saan maaaring ilista ng mga magsasaka ang kanilang ani para sa malalaking negosyo.

Kabilang dito ang mga supermarket, food processing company, at mga chain ng restaurant.

Matatandaan na tinulungan din ng US Agency for International Development ang bansa sa inisyatiba sa pamamagitan ng P1-billion Strengthening Private Enterprises for the Digital Economy (SPEED) project, na tumagal ng limang taon.

Sa pamamagitan nito, layunin ng USAID na palawakin ang digital transformation sa iba pang komunidad ng agrikultura at pagsasaka sa Pilipinas.

Samantala, ayon naman sa head ng Nueva Vizcaya Agriculture Terminal, simula inilunsad ang online platform sa NVAT sa tulong ng DTI at US Agency for International Development, naging beneficial na ito sa mga magsasaka ng Luzon na kinabibilangan ng Region 2 at Cordillera.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Engr. Gilbert Cumilla na may mga malalaking merkado na ang inisyal na naghain ng kanilang mga order na high value commercial crops sa pamamagitan ng e-commerce platform.

magiging malaking tulong ito aniya sa mga magsasaka dahil may mga pagkakataon na mababa ang bilang ng mga traders na bumibili sa kanila, habang sa pamamagitan ng online platform ay siguradong mabilisan lamang na mailalapit ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto sa mga traders, mula sa ibat ibang bahagi ng bansa.