Sinabi ni US Pres Donald Trump na inaasahan niyang muling mabubuksan ang Strait of Hormuz “sa lalong madaling panahon,” kahit aminado siyang hindi ito magiging madali. Hindi siya nagbigay ng detalye kung paano ito isasagawa.
Ayon kay Trump, may ilang bansa umanong handang tumulong sa pagbubukas ng naturang ruta, na mahalaga hindi lamang sa US kundi sa buong mundo. Tinatayang nasa 20% ng global oil at liquefied natural gas shipments ang dumaraan dito.
Nanatiling sarado ang strait matapos itong harangin ng Iran kasunod ng digmaan na nagsimula noong Pebrero 28, nang umatake ang US at Israel at gumanti ang Tehran. Libu-libong katao ang nasawi at milyon ang lumikas dahil sa labanan.
Bagama’t may inihayag na tigil-putukan si Trump, nananatiling apektado ang global oil prices at merkado habang hindi pa rin bumabalik sa normal ang daloy ng barko sa Strait of Hormuz. (Report by Bombo Jai)
















