-- Advertisements --

Ipinag-utos na ni US President Joe Biden sa US military na pangunahan ang isang emergency mission para magtayo ng temporary pier sa Mediterranean coast ng Gaza sa kaniyang State of the Union Address.

Ito ay para mas maraming humanitarian aid ang makapasok sa naturang teritoryo sa pamamagitan ng sea transport para sa mga Palestino na naiipit sa giyera .

Subalit ayon kay Biden hindi kasama sa nasabing inisyatibo ang US troops na ipapadala sa ground sa Gaza.

Inaasahang aabutin ng ilang linggo ang pagtatayo ng pantalan na pagdadaungan ng malalaking barko na magdadala ng mga pangunahing suplay na kailangan ng mga Palestino gaya ng pagkain, tubig, gamot at temporary shelters.

Ang initial shipments ay idadaan sa pamamagitan ng Cyprus kung saan isasagawa ang security inspections ng Israel.

AV US President Joe Biden

Ang hakbang na ito ng US ay sa gitna ng tumitinding humanitarian crisis sa Gaza bilang resulta ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Israeli forces at Hamas.

Ayon nga sa ulat mula sa World Health Organization, ilang mga bata na ang napaulat na namatay dahil sa gutom sa northern Gaza kung saan nasa tinatayang 300,000 Palestino ang nagtitiis sa kakarampot na pagkain at malinis na tubig.

Base din sa datos ng health Ministry sa Gaza, mahigit 30,800 katao na ang napatay sa Gaza simula ng sumiklab ang giyera.