-- Advertisements --

Inilunsad ng United States Postal Service (USPS) ang isang commemorative stamp bilang pagpupugay sa boxing legend na si Muhammad Ali sa kanyang bayan sa Louisville, Kentucky.

Tampok sa selyo ang larawan ni Ali noong kasagsagan ng kanyang karera bilang boksingero.

Ayon sa USPS, 22 milyong selyo ang inilimbag, na bawat isa ay may larawan ni Ali mula sa isang Associated Press photo noong 1974, kung saan makikitang nakataas ang kanyang mga kamao sa fighting stance.

Kapansin-pansin din ang apelyidong “ALI” na nakasulat sa makapal na itim at pulang letra.

Pinangunahan ng beteranong broadcaster na si Bob Costas ang unveiling ceremony at sinabi niyang ang selyo ay sumasalamin sa pangmatagalang impluwensiya ni Ali sa lungsod kung saan siya lumaki.

Kasama rin sa commemorative release ang isang stamp sheet na may hiwalay na larawan ni Ali na nakasuot ng pinstripe suit, bilang pagkilala sa kanyang papel bilang aktibista at humanitarian.

Pumanaw si Ali noong 2016 sa edad na 74 matapos makipaglaban sa Parkinson’s disease.

Kilala bilang “The Greatest,” tumanggap si Ali ng maraming parangal kabilang na ang Olympic gold medal noong 1960, United Nations Messenger of Peace Award noong 1998, at ang Presidential Medal of Freedom noong 2005.