Umabot sa isang bagong rurok ang karera ng Hollywood actress na si Zoe Saldaña matapos ang tagumpay sa takilya ng pelikulang “Avatar: Fire and Ash” (2025), na nagluklok sa kanya bilang highest-grossing actor of all time.
Nalampasan ng 47-anyos na Amerikanang aktres si Scarlett Johansson matapos kumita ng mahigit US$1.2 billion sa buong mundo ang ikatlong installment ng Avatar franchise.
Dahil dito, umabot na sa mahigit US$16.8 billion ang kabuuang box office earnings ng mga pelikulang kinabibilangan ni Saldaña, ayon sa film industry tracking site na The Numbers.
Nasa ikalawang puwesto naman si Johansson na may US$16.4 billion.
Ginampanan ni Saldaña ang karakter na si Neytiri sa tatlong pelikula ng Avatar, katuwang si Sam Worthington bilang Jake Sully mula sa orihinal na pelikula noong 2009, sinundan ng “Avatar: The Way of Water” (2022), hanggang sa pinakabagong sequel.
Bukod dito, kilala rin siya sa papel bilang Gamora sa “Guardians of the Galaxy” trilogy ng Marvel at sa ilang pelikula ng Avengers, na lalong nagpatibay sa kanyang dominasyon sa box office.
Gumanap din siya bilang Nyota Uhura sa rebooted Star Trek trilogy, na sama-samang kumita ng mahigit US$1 billion sa buong mundo.
Si Saldaña ang kauna-unahang aktres na lumabas sa apat na pelikulang kumita ng higit US$2 billion bawat isa sa takilya.










