Ipinag-utos ng top US Navy commander ang ikalawang round ng military strikes sa umano’y Venezuelan drug boat.
Kinumpirma ito ni White House Press Secretary Karoline Leavitt.
Dinepensahan ng White House official ang naging hakbang ni US Navy admiral Frank Bradley na alinsunod ito sa kaniyang awtoridad at sa batas.
Kinumpirma din ni Leavitt na inotorisa ni US Secretary of War Pete Hegseth ang naturang military strikes subalit hindi nagbigay ng direktiba na patayin ang lahat gaya ng napaulat.
Ang ikalawang strikes ay napaulat na inilunsad matapos na makaligtas sa inisyal na pagsabog ang dalawang katao at kumakapit sa nasusunog na barko.
Kapwa naman nagpahayag ng pagkabahala ang mga Republican at Democratic lawmakers kaugnay sa mga ulat at nangako ng imbestigasyon sa naturang pag-atake.
Iginiit naman ni White House Press Secretary Leavitt na nilinaw nina US President Donald Trump at Sec. Hegseth na ang mga iniuri bilang narco-terrorist groups ay subject ng nakamamatay na pag-atake alinsunod sa mga batas ng digmaan.
May karapatan din aniya ang US President na alisin ang mga ito kung sila’y nagdudulot ng banta sa Amerika.
Nitong mga nakalipas na linggo, pinalawig pa ng US ang military presence nito sa Caribbean at nagkasa ng mga serye ng lethal strikes sa mga pinaghihinalaang drug-smuggling boats sa international waters sa may Venezuela at Colombia bilang parte ng tinatawag nitong anti-narcotics operation na kumitil na ng mahigit 80 katao simula noong unang bahagi ng Setyembre ng kasalukuyang taon.










