Iginiit ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na inilantad ng kasalukuyang krisis sa langis ang matinding kahinaan ng Pilipinas dahil sa labis nitong pagdepende sa inaangkat na produktong petrolyo.
Ayon kay Dy, umaabot sa 95% ng suplay ng petrolyo ng bansa ang inaangkat mula sa ibang bansa, dahilan upang maging bulnerable ang Pilipinas sa anumang pagkaantala ng suplay o pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado.
“Alam n’yo po, 95% ay nagi-import po tayo, very dependent tayo sa pretroluem products, kaya dapat may mga alternatives tayo… Ito ay isa pa… isa pa po rito ay, nabanggit ko nga sa ating pangulo, ang natural gas. Isa pong malaking reserve din ang ating lalawigan ng natural gas, dyan po sa may Santigao, San Isidro, at Echague. Ito po ay mga pwedeng alternative na power para sa ganon kung saka-sakali man na muli kung huminto ito at magkaroon ulit ng crisis ay kahit papaano mayroong tayong ibang mga allternatibo na hindi dapat tayo umaasa sa produktong na oil na nanggagaling pa doon sa Middle East,” pahayag ni Speaker Dy.
Binanggit ng Speaker na may potensyal ang natural gas bilang alternatibong enerhiya, lalo na sa mga lugar sa Isabela tulad ng Santiago, San Isidro, at Echague kung saan may natukoy na reserba nito. Aniya, makatutulong ito upang mabawasan ang pag-asa ng bansa sa inaangkat na langis, partikular mula sa Middle East.
Samantala, sinabi rin ni House Ways and Means Chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo na nagsisilbing “wake-up call” ang krisis upang pabilisin ang paglipat ng bansa sa iba pang pinagkukunan ng enerhiya.
Dagdag pa niya, nakatakdang magsagawa ng magkasanib na pagdinig ang 13 komite ng Kamara upang bumalangkas ng mga hakbang na tutugon sa epekto ng krisis sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya.
Kabilang sa mga komiteng lalahok ang Energy, Agriculture, Foreign Affairs, Labor, Transportation, Trade and Industry, at iba pa.
Bukod sa paglinang ng alternatibong enerhiya tulad ng solar, geothermal, at natural gas, iminungkahi rin ni Quimbo ang pagtatatag ng pambansang reserba ng petrolyo upang matiyak ang sapat na suplay at mapigilan ang matinding epekto ng pagtaas ng presyo sa hinaharap.
Sa kabuuan, binigyang-diin ng mga mambabatas ang agarang pangangailangan na palakasin ang kakayahan ng bansa na maging matatag laban sa mga panlabas na krisis sa enerhiya sa pamamagitan ng mas malawak at mas napapanatiling pinagkukunan ng kuryente at gasolina.










