-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang na mananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa hanggang sa Abril 16, 2026. 

Kasunod ito ng matagumpay na pakikipag-ugnayan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga malalaking manufacturer.

Sa press briefing sa Malacañang, iniulat ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na ang kasunduang ito ay bahagi ng programang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) ng administrasyong Marcos.

Sinabi ni Castro, batay sa ulat ni Trade Secretary Cris Roque kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nangako ang mga manufacturers na hindi sila magpatupad ng price increase hanggang April 16,2026.

Bilang bahagi ng pagbabantay, magsasagawa ang DTI ng weekly monitoring sa mga pamilihan.

Inaasahan din ang muling pakikipagpulong ni DTI Secretary Cristina Aldeguer-Roque sa mga producer at manufacturer upang matiyak na hindi aakyat ang presyo ng mga bilihin sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng labanan sa Middle East.

Inamin ni Castro na bagaman may mga puwersa sa pandaigdigang merkado na hindi kayang pigilan ng gobyerno, gagawin ng lahat ng ahensiya ang makakaya upang hindi ito maging mabigat na pasanin para sa mga mamamayan.