-- Advertisements --

Nanawagan si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa mga Pilipino na gawing panahon ng panalangin, pagninilay at panibagong pag-asa ang Semana Santa, kasabay ng pagbibigay-diin sa pangangailangan ng paghilom at pagkakaisa sa gitna ng mga hamon.

Ayon kay Romualdez, ang Holy Week ay paalala ng dakilang pag-ibig ng Diyos at pagkakataon upang magnilay at magbalik-loob. 

Aniya, mahalaga ang katahimikan at pagninilay upang mapagtanto na hindi nag-iisa ang bawat isa sa kanilang pinagdaraanan.

Hinimok din niya ang publiko na suriin ang sarili, kilalanin ang pagkukulang, at muling yakapin ang pagpapatawad, malasakit, at pagmamahal lalo na sa gitna ng mga sigalot at pagsubok.

“Panahon ito upang suriin ang ating mga puso, ang ating mga pagkukulang, at ang mga pagkakataong tayo ay nagkulang sa pagmamahal. Nawa’y sa katahimikan ng panalangin, matagpuan natin ang lakas na magpatuloy, ang tapang na magpatawad, at ang pusong handang magmahal muli—lalo na sa mga panahong pinakamahirap gawin ito. Nawa’y ang Semana Santa ay maging panahon ng paghilom—hindi lamang para sa ating sarili, kundi para sa ating mga pamilya, lipunan, at buong bayan,” pahayag ni Rep. Romualdez. 

Ipinahayag ni Romualdez, ang Semana Santa ay magsilbing panahon ng paghilom, hindi lamang para sa indibidwal kundi para sa mga pamilya at buong bansa. 

Dagdag niya, sa kabila ng pagkakahati-hati at kawalan ng tiwala, dapat itong maging pagkakataon upang maibalik ang ugnayan at mapatatag ang pagkakaisa.

Binigyang-diin pa ni Romualdez na ang muling pagkabuhay ni Kristo ay magsilbing inspirasyon upang buhayin ang pag-asa, pananampalataya, at malasakit sa kapwa tungo sa mas maayos na kinabukasan.

“At sa muling pagkabuhay ni Kristo, nawa’y muling mabuhay sa atin ang pag-asa, pananampalataya, at malasakit sa isa’t isa, upang sama-sama nating tahakin ang landas tungo sa mas maayos at makataong kinabukasan,” wika ni Romualdez.