KALIBO, Aklan — Kinumpirma ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na naghahanda na siya sa pag-harap sa Kamara bilang testigo sa impeachment proceedings laban kay Vice Sara Duterte ngayong Abril.
Ayon kay Trillanes, siya ang magsisilbing pambungad na testigo sa pagdinig ng House justice committee.
Susundan naman ito ng iba pang testigo na inaasahang magpapatibay sa kanyang mga pahayag.
Aniya, maghahain siya ng presentasyon kaugnay ng mga alegasyon kabilang ang umano’y ill gotten wealth ng Bise Presidente, involvement ng pamilya Duterte sa illegal na droga at iba pang isyu.
Sinabi pa ni Trillanes may nakalap silang dokumento na kasama ang bunsong anak ni dating President Rodrigo Duterte na si Kitty sa mga tumanggap ng dibidendo mula sa isang sinasabing drug lord noong 2011 hanggang 2013.
Ibinibigay umano ang bayad na umaabot sa P40 to P50 milyon kada anim na buwan sa pamamagitan ng tseke na kino-convert sa manager’s check na nakapangalan sa mga miyembro ng pamilya Duterte, kabilang umano ang joint account nina Kitty Duterte at inang si Honeylet Avanceña.
















