-- Advertisements --

Inihayag ng Malakanyang na “overwhelmed” ang Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman dahil sa dami ng mga kasong inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na may kaugnayan sa mga flood control projects.

Kasunod ito ng pagtatapos ng mandato ng ICI ngayong Marso 31,2026.

Sinabi ni Palace Press Officer USec. Claire Castro, na nagawa na ng komisyon ang kanilang tungkulin bilang isang fact-finding committe.

Dagdag pa ni Castro, nasa kamay na ng mga kaukulang ahensya ang pag-uusig sa mga sangkot sa katiwalian base sa mga nakalap na ebidensya.

Binigyang-diin ni Castro na walang sasantuhin sa imbestigasyon, ngunit kailangan ang matibay na ebidensya sa halip na “drama” sa media upang tuluyang mapanagot ang mga korap na opisyal.

Ipinaliwanag din ni Castro na ang pagbuwag sa komisyon ay base sa ulat ni Justice Reyes na nagpapatunay na nagawa na ng ICI ang kanilang tungkulin.

Sinagot din ng opisyal ang mga puna na tila “bitin” o walang nakukulong na “malalaking isda” sa kabila ng imbestigasyon.

Nagbabala rin si Castro sa mga gumagamit ng media para sa pansariling interes.