-- Advertisements --

Binigyang-diin ni House Assistant Majority Leader at Committee on Justice member Zia Alonto Adiong na kayang pagsabayin ng House of Representatives ang pagtugon sa krisis sa enerhiya at ang pagdinig sa mga reklamo impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Reaksyon ito ni Adiong sa mga suhestiyong dapat munang ipagpaliban ang mga reklamong konstitusyonal dahil sa nararanasang epekto ng labanan sa Middle East. Ayon sa mambabatas, ang mga kasalukuyang paghihirap ng bansa ay hindi nag-aalis sa obligasyon ng Kamara na aksyunan ang mga reklamong maayos na naisampa at na-endorso.

Ipinaliwanag ni Adiong na gumagawa na ng hakbang ang pambansang pamahalaan, kabilang ang deklarasyon ng state of energy emergency at ang pagbuo ng UPLIFT committee, upang harapin ang krisis. 

Kasabay nito, maaari umanong magpatuloy ang mandato ng Kongreso sa impeachment. 

Dagdag pa ng Kongresista, hindi maaaring gamitin na dahilan para magbulag-bulagan sa mga reklamong isinampa ng mga pribadong mamamayan at awtomatikong ibasura o isuspinde ang konstitusyonal na mandato ng Kamara.

Ipinunto rin niya na napatunayan na ng Kamara ang kakayahan nitong mag-multitaskmatapos aprubahan ang suspensyon ng excise tax sa langis upang maibsan ang pasanin sa sektor ng enerhiya, transportasyon, at medisina habang tinatalakay ang iba pang mahahalagang isyu.