-- Advertisements --

Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa nitong Martes ang House Bill No. 9397 o ang “Right to Information (RTI) Act of 2026” na layong bigyan ang mga Pilipino ng mas malawak na akses sa mga rekord, kontrata, at gastusin ng pamahalaan.

Sa botong 284 na pabor, walang kontra, at walang abstention, naipasa ang naturang priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). Pangunahing may-akda nito sina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, Public Information Chair Lordan Suan, at Appropriations Chair Mikaela Angela Suansing.

Sakop ng panukala ang ehekutibo, lehislatura, hudikatura, mga konstitusyonal na komisyon, GOCCs, state universities, at LGUs. 

Nakasaad sa prinsipyo nito na ang paglalabas ng impormasyon ang pangkalahatang tuntunin, at ang pagkakait nito ay eksepsyon lamang gaya ng mga usaping may kinalaman sa national security, privacy rights, at law enforcement.

Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng bill ang pagtatag ng isang independent Right to Information Commission na magbabantay sa pagpapatupad ng batas, at isang centralized Online RTI Portal para sa elektronikong paghahain at pagsubaybay sa mga request ng publiko.

Inaatasan din ng panukala ang mga ahensya na kusa at direktang ilatag sa publiko (proactive disclosure) ang kanilang mga badyet, audit findings, at kontrata. Papatawan naman ng parusang administratibo, sibil, at kriminal ang mga opisyal na ilegal na magkakait o wawasak sa mga pampublikong rekord.