-- Advertisements --

Hihilingin ng kampo ni Sen. Jinggoy Estrada sa Ikalawang Dibisyon ng Sandiganbayan na payagan itong dumalo sa mga pagdinig ng kaso sa pamamagitan ng ‘online video conferencing’.

Sa naganap na pagharap ng mambabatas sa korte kahapon, idinulog ng kanyang abogado sa hukom na pahintulutan ang pagdalo nito gamit ang naturang pamamaraan.

Kung papaburan, maaaring hindi na dumalo nang personal ang senador sa kanyang pagharap sa korte sa tuwing magkakaroon ng mga pagdinig sa kaso.

Ayon sa depensa, layon sa kahilingan na mabigyan pagkakataon ang nakadeteneng senador na magampanan nito ang kanyang tungkulin bilang isang mambabatas.

Umaasa ang kanilang kampo na sa pamamagitan nito’y makakadalo si Sen. Estrada sa mga sesyon, caucus, at committee hearings ng Senado habang umuusad ang kasong kinakaharap sa Sandiganbayan.

Bunsod nito’y ibinahagi ng Presiding Judge ng Sandiganbayan Second Division na si Geraldine Faith Econg na wala naman siyang nakikitang isyu patungkol sa kahilingan.

Aniya’y aprubado naman ito ng Kataas-taasang Hukuman at ang ganitong ‘set-up’ ay ginagamit na rin maging sa iba pang mga korte sa bansa.

Subalit kanyang nilinaw na hindi na sakop ng Sandiganbayan ang magiging direktiba ng Senado kaugnay sa nais nitong matupad pa rin ang tungkulin bilang senador.