Nagbuo ang Kamara ng 13 komite sa ilalim ng direktiba ni Speaker Bojie Dy upang bumalangkas ng isang “comprehensive package” laban sa nararanasang krisis sa presyo ng petrolyo.
Ayon kay House Ways and Means Chairperson at Marikina Rep. Miro Quimbo, layunin ng hakbang na ito na magkaroon ng organisadong tugon ang bansa sa pamamagitan ng dalawang estratehiya: ang pagbibigay ng agarang saklolo (immediate assistance) gaya ng supplemental budget para sa mga apektadong sektor, at ang pagtitiyak ng pangmatagalang katatagan (long-term resilience) ng ekonomiya.
Itinakda ang unang pormal na pagdinig ng mga komite sa Abril 8 upang mabilis na makapasa ng mga batas na magpapagaan sa epekto ng sigalot sa Middle East sa mga Pilipino.
Sinabi ni Quimbo na pinalawak ni Speaker Dy sa 13 komite ang tututok sa “unified legislative response” ng Mababang Kapulungan.
Ayon kay Quimbo, nais ni Speaker Dy na magkaroon ng organisadong hakbang ang Kongreso katuwang ang mga economic managers ng ehekutibo sa halip na magturuan kung sino ang dapat sisihin sa krisis.
Kabilang sa 13 komiteng magsasama-sama ay ang Energy, Agriculture, Foreign Affairs, Ways and Means, Labor, Transportation, ICT, Economic Affairs, Social Services, Trade and Industry, Overseas Workers Affairs, at Appropriations.
Sa kabila ng congressional break, kinumpirma ni Quimbo na tuloy-tuloy ang kanilang trabaho at kasalukuyan nang nagsasagawa ng mga technical meetings bilang paghahanda sa pormal na pagdinig sa susunod na linggo.
Binigyang-diin ng mambabatas na bagaman ang krisis ay bunsod ng mga puwersa sa labas ng bansa (external forces) at hindi gawa ng Pilipinas, kailangan pa ring maghanda ang gobyerno upang hindi “lumuhod” ang ekonomiya sa tuwing may labanan sa pandaigdigang merkado.














