LEGAZPI CITY – Idineklara na ang state of calamity sa probinsya ng Sorsogon bunsod ng matinding epekto ng krisis sa produktong petrolyo na dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Sorsogon 1st District Board Member Ed Atutubo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinakailangan na ng suporta at ang deklarasyon ay magbibigay kapangyarihan sa gobernador na mai-programa ang 5% calamity fund para sa mga nangangailangan.
Uunahin ang pagbibigay-tulong sa sektor ng transportasyon, kasunod ang iba pang sektor na apektado ng kasalukuyang krisis.
Ipinatupad ang deklarasyon sa probinsya dahil ramdam na ang epekto ng oil crisis, kung saan kakaunti na lamang ang bumibiyahe na mga sasakyan at tricycle drivers, pati na rin ang mga mangingisda.
Dagdag pa ng opisyal, malinaw na nakasaad sa Disaster Management Law na kabilang ang man-made calamities gaya ng economic displacement—katulad ng nararanasang oil crisis—bilang batayan sa pagdedeklara ng state of calamity.
Inasikaso na rin ng Sangguniang Panlalawigan, kasama ang Disaster Risk Reduction and Management Council, ang pag-dispatch ng nabanggit na resolusyon.
Pinagpaplanuhan na rin ang mga ibibigay na ayuda sa mga apektadong sektor, katuwang ang iba pang ahensya. Unanimous ang naging deklarasyon upang agad makapagsagawa ng mga programa at solusyon.
















