Nilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang ipinatutupad na price freeze ngayon sa kabila ng deklarasyon ng state of national energy emergency sa bansa.
Sa isang statement, inihayag ng ahensiya na nananatiling matatag ang suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ito ay kasunod ng pag-isyu ng Executive Order (EO) No. 110, na naglalayong maprotektahan ang lokal na suplay ng langis sa gitna ng tensiyon sa Gitnang Silangang Rehiyon.
Sa naturang kautusan din, in-activate ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food at Transport (UPLIFT) Program, na magbibigay ng targeted subsidies para sa mga sektor ng transportasyon at agrikultura.
Ayon sa DTI, inaagapan na ng pamahalaan ang inflationary pressures na maaaring maging dahilan para sa pagpapatupad ng price freeze sa pamamagitan ng pagpapanatiling stable ang halaga ng mga idini-deliver na mga produkto.
Liban dito, nakikipag-pulong ang ahensiya sa pribadong sector, kasama ang 21 pangunahing manufacturers ng essential goods kabilang ang canned sardines, tinapay, bottled water, instant noodles at kape, na nangakong pananatilihin ang kanilang kasalukuyang presyo para sa sunod na 30 araw o hanggang Abril 16 o 60 araw o hanggang Mayo 16.
Tiniyak din ng DTI na nananatiling sapat ang lebel ng imbentaryo para sa mga pangunahing produkto base sa monitoring sa presyo at suplay, kayat walang kakulangan na maggagarantiya sa artificial price hike.
Patuloy din ang pagsuri ng ahensiya sa pagsunod sa umiiral na Suggested Retail Price (SRP). Sinuman aniyang retailer na mapatunayang sangkot sa profiteering o labis na pagtaas ng presyo sa mahigit 10% ng walang justification o hoarding ay mahaharap sa kaukulang parusa.















