Ipinahayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na wala pa silang natutukoy na direktang banta sa seguridad sa Metro Manila habang isinasagawa ang paggunita ng Holy Week.
Ayon kay NCRPO Director Maj. Gen. Anthony Aberin, nananatiling “generally peaceful” ang sitwasyon matapos ang kanyang inspeksyon sa mga terminal gaya ng Five Star Bus Terminal sa Quezon City at Parañaque Integrated Terminal Exchange.
Sinabi niya na tuloy-tuloy ang monitoring ng Philippine National Police upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, at inatasan din niya ang mga district directors na bantayan nang maayos ang kanilang mga nasasakupan.
Dagdag pa ni Aberin, wala ring dagdag na deployment ng pulis sa Metro Manila sa kabila ng humigit-kumulang 13,000 personnel na naka-deploy na, kasama ang mga barangay at volunteer groups na tumutulong sa seguridad ngayong Holy Week exodus. (report by Bombo Jai)
















