Pinababa sa puwesto ni US Defense Secretary Pete Hegseth si Gen. Randy George bilang Chief of Staff ng U.S. Army.
Sa pahayag ni Pentagon spokesperson Sean Parnell, epektibo agad ang pagreretiro ni George bilang ika-41 Army Chief, kahit karaniwang tumatagal ng apat na taon ang termino sa naturang posisyon.
Si George ay itinalaga noong 2023 ni dating Pangulong Joe Biden at nagsilbi bilang career military officer na lumahok sa Gulf War, gayundin sa mga operasyon sa Iraq at Afghanistan.
Hindi naman kaagad nilinaw ng Pentagon ang dahilan ng kanyang pagpapatalsik, ngunit ayon sa isang opisyal, bahagi ito ng pagpapalit ng liderato sa hanay ng militar sa ilalim ng administrasyon ni US President Donald Trump.
Papalitan si George ni Gen. Christopher LaNeve, na magsisilbing acting Army Chief of Staff. Inilarawan siya bilang isang “battle-tested leader” na pinagkakatiwalaan ng kasalukuyang administrasyon.
Ang nasabing hakbang ay kasunod ng pahayag ni Trump na posibleng magtapos na sa lalong madaling panahon ang tensyon sa pagitan ng U.S., Israel, at Iran.
Simula nang maupo sa Pentagon, iniulat na higit isang dosenang matataas na opisyal ng militar ang tinanggal ni Hegseth, kabilang ang pinuno ng Navy at Vice Chief of Staff ng Air Force, bilang bahagi ng mas malawak na pagsasaayos sa sandatahang lakas ng Estados Unidos.
















