Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino na palakasin ang pagkakaisa at pananampalataya habang ginugunita ang Semana Santa o Holy Week.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ng Pangulo ang publiko na maglaan ng oras para sa pahinga at pagninilay, at muling pagtibayin ang malasakit at paglilingkod sa kapwa.
Binigyang-diin din niya ang sakripisyo ni Jesus Christ, na aniya’y paalala na ang tunay na kadakilaan ay makikita sa sakripisyo, hindi sa kapangyarihan.
” For in every act of compassion, every hand extended to those in need, and every sacrifice made for the good of others, we keep alive the spirit of His message,” pahayag ng Pangulong Marcos.
Hinimok ni Pang. Marcos ang bawat Pilipino na manatiling matatag sa pananampalataya, magtulungan sa gitna ng pagsubok, at magkaisa para sa mas maunlad at mahabaging “Bagong Pilipinas.”
Nagtapos ang Pangulo sa pagbati ng isang makabuluhan at mapagpalang Semana Santa para sa lahat.
” I wish everyone a meaningful and blessed Holy Week,” wika ng Pangulong Marcos.















