Inihayag ng opisyal ng Pentagon na nakahanda ang US na suportahan ang Pilipinas kung kinakailangan sa pagsasagawa ng supply missions sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Ang pahayag na ito ng Pentagon ay kasunod ng presensiya ng US Navy P-8 Poseidon maritime patrol at reconnaissance aircraft sa naging follow-up resupply mission ng PH noong nakalipas na linggo.
Una ng sinabi ni Pentagon Press Secretary Brig. Gen. Pat Ryder na ipagpapatuloy ng Amerika ang maigting na pakikipagtulungan nito sa Pilipinas para suportahan ang bansa sakaling humiling ito ng tulong.
Una rito, namataan ang isang US Navy surveillance plane sa himpapawid ng mahigit tatlong oras habang hinarang at sinundan ng mga barko ng China ang mga resupply vessels ng Pilipinas para magdala ng mga suplay sa mga sundalong nakai-istasyon sa barkong pandigma ng bansa sa Ayungin shoal na nagsisilbing military outpost ng PH sa West PH Sea.
Nilinaw naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro noong nakalipas na linggo na ang namataang US aircraft ay nagsasagawa lamang ng freedom of navigation operations na kanilang ginagawa naman umano ng regular.