-- Advertisements --

Muling naglunsad ang Estados Unidos ng airstrikes laban sa Iran sa ikaapat na sunod na araw ng pag-atake nito.

Kinumpirma ito ng U.S. Central Command, kung saan tinarget nila ang mga pasilidad na umano’y ginagamit ng Iran sa pag-atake sa mga commercial boat na dumaraan sa Strait of Hormuz.

Kasabay nito, muling nagpatupad ang U.S. ng naval blockade upang pigilan ang pagpasok at paglabas ng mga barko sa mga pantalan ng Iran.

Ayon sa isang mataas na opisyal ng Iran, nilabag nito ang naunang kasunduan ng dalawang bansa na pansamantalang tigil putukan upang bigyang-daan ang usapin ng kapayapaan sa rehiyon.

Samantala, sinabi ng Iran na tinamaan ng airstrikes ng Amerika ang ilang lugar malapit sa Strait of Hormuz kabilang ang Qeshm Island, Bushehr, at ilang lugar malapit sa border ng Iraq at Kuwait.

Bilang tugon, gumanti rin ang Iran sa mga sasakyang pandagat ng Amerika sa Strait of Hormuz, kung saan dalawang tripulante ang nasawi. Isang Norwegian oil tanker din ang napinsala matapos tamaan ng drone attack malapit sa Oman.

Iniulat din ng Kuwait na tinamaan ng missile at drone attack ng Iran ang isa sa kanilang mga barkong pandigma, na ikinasugat ng apat na tripulante.

Sa gitna ng tumitinding tensyon, inanunsyo ni U.S. President Donald Trump na hindi na niya itutuloy ang planong toll fee sa mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz.

Sa halip, sinabi niyang papalitan ito ng mga kasunduang pangkalakalan at pamumuhunan mula sa mga bansang kaalyado ng Amerika sa Gulf region.

Samantala, nagbabala si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na agad silang gaganti sakaling maglunsad ng pag-atake ang Iran laban sa Israel.