-- Advertisements --

Nakatakdang makipagpulong ang Iran sa mga karatig-bansa sa Gulf sa Oman upang talakayin ang seguridad at sitwasyon sa Strait of Hormuz.

Ayon sa Iranian Foreign Ministry, layunin ng naturang pagtitipon na palakasin ang ugnayan at siguruhin ang kaligtasan ng paglalayag sa estratehikong daanan ng barko.

Apektado at nabara ang maayos na daloy ng langis sa nasabing strait matapos ang mga serye ng atake at tensyon sa pagitan ng US, Israel, at Iran na nagpataas sa presyo ng langis sa mahigit $100 kada bariles.

Nilinaw ng Tehran na ang mga isyung pangrehiyon ay mas dapat na resolbahin ng mismong mga bansa sa Gitnang Silangan kasama ang mga kasapi ng Gulf Cooperation Council at Iraq.

Gagawin ang pag-uusap kasunod ng mga naunang kasunduan ng Iran at Oman ukol sa pansamantalang shipping route at pag-aalis ng mga minahan sa dagat.

Samantala, patuloy namang binabatikos ng Iran ang mga sanksyon at blokeo ng US at Israel habang iginigiit ng Washington na hindi nila hahayaang magkaroon ng nukleyar na sandata ang Tehran.